Abgdo. Robert John I. Donesa
Maligayang pagdating sa Bayan ng Baliwag, Bulacan! Dito sa aming bayan, ang Simbahan ng San Agustin de Baliwag ang siyang pinakalumang Simbahang Katoliko. At dahil na rin sa kanyang katandaan, kawili-wiling arkitektura at kasaysayan, ito na rin ang pinakilalang gusali sa Bayan ng Baliwag, Bulacan. Ang Simbahang ito ay matatagpuan sa kanlurang bahagi ng Ilog Baliwag na kilala ngayon bilang Ilog Angat, sa harap ng liwasang Glorietta sa Poblacion ng Baliwag. Inialay ang Simbahan kay San Agustin ng Hippo, ang Patron ng Bayan ng Baliwag na itinatag noong 1733.
Kilala ang aming bayan at ang Simbahan ng San Agustin de Baliwag sa buong Pilipinas dahil dito ginaganap ang isa sa mga pinakamahabang prusisyon sa bansa. Tuwing mga Mahal na Araw, paborito itong puntahan ng turistang Pilipino, dayuhan at mga mamamahayag. Sa kasalukuyan, may 117 naglalakihan at nagagandahang karo ang nagpuprusisyon dito tuwing mahal na araw. Nasa pangangalaga ng mga deboto ang mga karo na naglalarawan ng mga natatanging tagpo sa Bibliya tungkol sa buhay at pagpapakasakit ni Jesukristo. Nakagayak ang mga Poon na kasinglaki ng tao ayon sa ikonograpia ng Katolikong Simbahan, puno ng bulaklak at pa-ilaw. Sa ganda at kinang, taas noo naming ipinagmamalaki na ang sa Baliwag na ang pinakamagarbong prusisyon at pagdiriwang ng mga Mahal na Araw sa Pilipinas.
Tayo na at ating suriin ang buong gusali ng Simbahan. Mahihinuha na ang pagkatayo ng Simbahan ng San Agustin de Baliwag ay hindi iisang bugso lamang. Bunga ito ng daan-daang taong kasaysayan at pagmamahal ng mga Baliwagenyo sa Poong Maykapal. Sa katunayan, ang kasalukuyang Simbahan ay nakatayo sa labi ng apat pang mas naunang Simbahan na sinira ng panahon o winasak ng mga malakas na lindol at bagyo. Ang kasalukyang Simbahang ito ay nakaligtas rin mula sa mga mapaminsalang digmaan – ang Digmaang Pilipino-Amerikano at Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at di na mabilang na mga lindol na yumanig sa bayan sa nakalipas na mahigit isandaang taon. At sa bawat pagkawasak, buong pagmamahal itong itinatayong muli ng mga mananampalataya. Sa paglipas ng panahon, ang bawat salinlahi ay nagdagdag pa ng mga bahagi na lalong nagpaganda sa Simbahan. Kaya naman, maituturing itong bunga ng aming marubdob na pag-ibig at pananampalataya sa Poong Maykapal. Ito na rin ang aming pinakamahalagang yamang pangkultura sa Baliwag, Bulacan.
Sinasabing itinayo ang aming unang Simbahan noong 1734 at natapos ito noong 1748. Nasira ito sa paglipas ng panahon kaya nagpatayo ng mas matibay na Simbahan na yari sa bato si Padre Gregorio Giner noong 1769 hanggang 1774. Ang Simbahang ito, kasama ang liwasang nakapalibot dito, ang siyang inihambing ni Joaquin Martinez de Zuniga, noong 1802, sa La Granja, ang bahay bakasyonan ng mga hari ng EspaƱa. Sinabi ni Zuniga:
“Pagdating namin sa Baliwag, labis kaming namangha sa kanilang liwasan: ito’y malawak at mahaba, maihahalintulad sa La Granja; ang kinaroroonan ng Kumbento at Simbahan ang siya namang katumbas na kinaroroonan ng Palasyo Real sa La Granja. Ang bawat sulok ng liwasan ay may daan, anim na daan, kung saan mahihinuha ang kabuuan ng lupaing bayan. Kung sisilipin mula sa kumbento, ang liwasang ito ay mas lalong maganda. Wala man itong mga gusali katulad ng sa La Granja, ngunit ang mga kabahayan na yari sa kahoy na napapalibutan ng samu’t saring puno, ay nagbigay ng likas na ganda, na sa aking paningin, ay lalong nakahihigit, kaysa lahat ng palamuti ng sining.”
Tinatayang may nangyari sa Simbahan at ito’y muling ipinaayos ni Padre Esteban Diez. Kasama ang Kampanaryo, nayari ang Simbahan noong 1830. Pinaayos at pinaganda naman ni Padre Matias Navoa ang Kampanaryo noong 1866.
Noong Agosto 26, 1877, lumabas sa isang isyu ng pahayagang El Oriente ang isang guhit ng larawan ng Simbahan ng San Agustin ng Baliwag. Mahihinuha mula sa larawan na noon pa mang huli itong inayos pagkatapos ng lindol ng 1863, hubog na ang kasalukuyang anyo at laki ng Simbahan, Kumbento at Kampanaryo.
Ang Simbahan, ayon sa larawan, ay may disenyong Baroque. Ang harapan ay nahati sa tatlo. Ang pinakababa ay may apat na magkakambal na haliging may disenyong Tuskano. Ang pinakagitna ay kalahating-bilog na pangunahing pintuan. At sa magkabilang gilid ng pangunahing pintuan ay may mga luklukan ng Santo na may tatsulok na disenyo sa ibabaw.
Sa ikalawang hati ay mayroon ding apat na mga kambal na haligi na kahilera ng nasa unang hati. Ngunit ito’y mas maikli at may disenyong Korinto. May tatlong parihabang mga bintana sa patsada at ay may mga arkong disenyo sa ibabaw. Sa gitna, sa ibabaw ng arko ay may biloging bintana o oculi. May mga hugis araw naman na palamuti ang nasa itaas ng mga arko sa ibabaw ng iba pang mga bintana.
Sa ikatlong hati ay may dalawang kambal na haligi na animo’y tumutukod sa hugis kurba na taluktok ng patsada. Sa gitna ng dalawang kambal na haligi ay may dalawang hugis plorerang palamuti o finial. May limang finial naman ang naging palamuti sa hugis kurba na taluktok.
Makikita din sa larawan na noong 1877, nahiwalay sa Simbahan ang kampanaryo na yari sa ladrilyo. Ito ay may apat na palapag. Ang unang palapag ay hugis parisukat at may dalawang bilog na bintana (oculi). Samantalang ang ikalawa hanggang ikaapat na palapag ay may walong sulok (octagonal) at ang bawat dako ay may kalahating-bilog na bintana na may palamuting huwad na mga haligi sa tagiliran. Habang pataas ng pataas ang kampanaryo ay paliit naman ng paliit ang sukat ng palapag. Ang ikalawa at ikatlong palapag ay may mga nakapalibot na terasa na nakabalustre. Sa bintana naman ng ikatlong palapag ay may malaking kampana. At sa bintana ng ikaapat na palapag ay nandoroon ang orasan. Nakatayo sa taluktok ng kampanaryo, sa ibabaw ng bubungan, ay ang krus.
Ang Simbahan ng San Agustin de Baliwag (kaliwa), matapos ang lindol ng 1880, ay inayos na maging hawig sa Simbahan ng San Agustin de Manila (kanan).
Noong Hulyo 14-25, 1880, niyanig ng sunod-sunod na lindol ang Luzon na siyang nagwasak ng mga mahahalagang gusali kasama na ang Simbahan ng San Agustin sa Intramuros at San Agustin ng Baliwag. Nawasak ang maraming bahagi ng aming Simbahan. Halos unang palapag na lamang ng kampanaryo ang natira. Ito’y ipinaayos ni Padre Tomas Gresa ang Kura Paroko noong 1884 hanggang 1886. Ito’y ginawang hawig sa Simbahan ng San Agustin ng Intramuros.
Dinagdag din ni Padre Gresa ang mga bahaging braso na nagpapahugis krus sa Simbahan. Sinasabing maayos ang pagkagawa ng Simbahan. Ito na ngayon ang kasalukuyang anyo ng Simbahan.
Naging kaugalian na ng mga Simbahan sa Pilipinas na maglagay sa harapan ng mga salita ng Sampung Utos ng Maykapal. Naiiba ang sa amin sa Baliwag. Sa harapan ng unang palapag ng kampanaryo ay nakalapat ang dambuhalang larawan ni Moises na may hawak na mga tableta na naglalaman ng Sampung Utos ng Maykapal. It ay may disenyong kubismo. Sinimulan itong ipatayo noong Nobyembre 1982 at natapos noong 1983. Binasbasan ito ni Monsenyor Leopoldo A. Arcaira ang aming Kura Paroko noong panahong yun.
Kapag lumalabas ang mga tao pagkatapos ng misa ay kagyat silang tambad sa sikat ng araw o kaya’y sa ulan. Kung kaya’t minabuti ng aming mga kababayan, sa pamamagitan ng Lupong Pamunuan ng Pista ng Baliwag 1972, na magpatayo ng silungan o portiko upang maging panangga sa init at ulan ng mga lumalabas sa Simbahan. Ang portiko ay may disenyong akma sa arkitektura ng buong Simbahan.
Nagbunga naman ng modernong anyo ang mga pagkukumpuni na ginawa ng aming kababayan noong dekada 80. Dahil dito, ninais namin na ibalik sa antigong anyo ang Simbahan. Noong 1993, tinanggal ang mga paletada upang lumutang muli ang makalumang anyo ng Simbahan. Sa pagsusumikap ng Lupong Pamunuan ng Pista ng Baliwag 1993, muling nanumbalik ang ganda ng lumang Simbahan.
Ang Loob ng Simbahan
Tara sa loob ng Simbahan! Ang aming Simbahan, sa kabila ng pagiging luma nito, ay maka-ilang ulit nang isinaayos upang maibalik sa magandang lagay at angkop sa pangangailangan ng panahon. Nangingibabaw ang disenyo ng Baroque sa loob ng aming Simbahan. Ang mga malalaking bintana sa magkabilang dingding ay tuluyan nang ginagawang mga pintuan upang mas maaliwalas ang bentilasyon. Noong dekada 90, natuklasan ng aming mga parokyano na pinamutiktikan na ng mga anay ang kisame. Ito ay ipinaayos ni Monsenyor Feliciano M. Palma, Jr. noong 1996 hanggang 1998. Ang bagong kisame ay pinturado ng disenyong bughaw na langit na ginaya pa sa Venetian Las Vegas. Kailangan ding dagdagan ng mga haliging Ioniko upang maging mga tukod sa bagong bubongan. Ang buong pagpapaayos ay nagkakahalaga ng PhP 7,106,399.00 na naipon sa pamamagitan ng mga konsyerto na ginanap noong Agosto 27, 1996 at Agosto 8, 1997.
Ang aming altar ay bagong gawa. Ito’y natapos lamang nitong taong 2016. Ito ay may disenyong baroque at halos pinturado ng ginto. Sa likod ng bagong altar ay ang reredo. Sa gitna ng reredo ay malaking krusipiho at sa magkabilang tabi ng krusipiho ay ang mga rebulto ni San Agustin at ni Santa Monika, ang aming mga patron dito sa bayan ng Baliwag.
Ang Simbahan sa Kasaysayan
Makasaysayan din ang aming Simbahan ng San Agustin de Baliwag. Noong 1901, matapos tuluyang masakop ng mga Amerikano ang Pilipinas, ipinakilala nito ang demokratikong halalan bilang paraan ng pagpili ng mga lokal na opisyales. Inilatag ng mga Amerikano ang mga panuntunan sa pambayan, panlalawigan at pambansang halalan. Sa mga bayang napasailalim sa kanilang pamahalaang militar unang ginanap ang mga halalan. Sa ilalim ng pangangasiwa ng mga Amerikano, ang kauna-unahang halalan sa bansa ay ginanap sa Baliwag, Bulacan noong Mayo 1898 sa harap mismo ng Simbahan ng San Agustin de Baliwag. Pagkagaling sa simba, ang lahat ng kalalakihang Baliwagenyo na may sapat na gulang at nakakapagsalita ng Espanyol o Ingles ay nakilahok sa unang halalan sa bansa.
Nakaligtas ang Simbahan ng San Agustin de Baliwag sa mula sa mapaminsalang Digmaang Pilipino-Amerikano. (Ang larawan ay hango sa Harper's Weekly, 1899)
No comments:
Post a Comment